Press ReleaseJuly 20, 2009
Transcript of radio interview of Senate President Juan Ponce Enrile at
DZAR Sonshine Radio's (1026) Business Agenda hosted by Margie Grey
and Rose Dela Cruz
Q: Sir, napaka-high profile ninyo dahil number one lahat ng mga topics ninyo --napapanahon, close to the heart of the Filipinos.
SP: Ako, sinumpaan ko na tutulungan ko ang bayan para lumusog at umunlad, 'yun ang ginagawa ko pero mahirap talaga pag nag-iisa ka.
Q: Actually di kayo nag-iisa kasi yung mga causes na kinukuha ninyo, napakalaki ng naaapektuhan na sector.
SP: Ako, napasama d'yan sa Cheap Medicines Act. Yan ay sa kalusugan ng bansa. Kabuhayan at kalusugan. Security, economy. Sapagkat walang tao dito sa ating bayan na hindi nagkakasakit. At pag nagkasakit ay kawawa yung mga pamilya kung wala silang pambili ng medisina at napakamahal ngayon ng medisina. 'Yung mga medisina para sa buhay na tulad ng cancer, heart attack, liver problem, blood pressure, cholesterol, kung anu-ano na! Nung bata ako, walang mga ganun. Kasama namin noon, mga tao dun, nabubuhay ng matagalan. Hindi k'wan, kahit magkakasakit kami ng mga disinterya pero nagagamot sa pamamagitan ng halaman. Mapait nga pero, pati 'yun ampalaya, pati 'yung dahon ng ampalaya.
Ang ekonomiya natin hindi uunlad. At yung mga nagtatrabaho, gumagawa ng kayamanan natin, sapagkat ang yaman ng bayan manggagaling sa tao eh. Di naman nanggagaling sa bundok 'yan, marami ngang kayamanan dyan, pero hanggang dyan lang yan. Pag walang magta-trabaho dyan, walang mag-iisip, hindi magiging yaman ng bayan yan na magagamit. Kaya kailangan malusog ang mga tao. Kailangan din yung mga gagamitin mo, upang mabungkal yung mga lupa na yan, mabungkal yung mga bundok na yan, na magkaroon ng mga negosyo, hindi rin masyado mahalin.
Elektrisidad naman, kailangan may tubig. Kailangan ng katahimikan. Pag yan ang tinutukan ng gobyerno, katahimikan, kaunlaran, pagtakatapos kabuhayan, maganda ang bansa na ito. Kaya 'yun ang tinututukan ko ngayon.
Ngayon, 'yung mga negosyante naman, iba yung interes nila dyan. Gusto nila, kumita sila ng malaki. Kailangan naman na mabalanse yan na, oo, kayo mag-nenegosyo kayo rito sa aming bansa pero fair and reasonable profit lang. Kaya tinutukan ko ngayon. Hindi lamang na kasama ko si Mar Roxas dyan sa Cheap Medicine Bill na 'yan at ibang mga senador, tinutukan ko yung power ngayon.
Pag mahal ang elektrisidad ng bansa, hindi uunlad ang mga negosyo. Yung mga negosyante aalis dito. Tinutukan ko ngayon yung communication. Kailangan, meron ka mang produkto, hindi mo maipagbibili wala kang system of cheap communication, at saka dadayain ka pa, hindi pwede yun.
Pangatlo, ang isa pa na tinutukan ko, ay yung, maproteksyunan yung mga mamimili. Kailangan, yung kanilang binibili ay sapat sa standard. At hindi lamang yun, yung presyo nila, hindi bunga ng sabwatan ng mga negosyante. Kagaya nung isinisigaw natin. 'Yung mga isinusumbong natin na mga oil companies, napakalaki ng mga kinikita ng mga ito. Sa medisina, malaking-malaki ang kinikita nila. May sabwatan 'yang mga 'yan. Pati yung mga nagbebenta ng bigas, nagsasabwatan 'yan. 'Yung nagbebenta ng semento, nagsasabwatan 'yan. Kaya tinutukan ko rin 'yan. May Anti-Trust Law ako.
Ngayon, 'yang tungkol sa power, alam mo ba na bawat produkto ng ating bansa, na ginagawa upang ipagbili ng mga negosyante, ay 15% ng production cost 'yung halaga ng ginagamit mo upang gawin 'yung produkto na 'yun, nanggagaling sa power at elektrisidad. 'Yan ang tinututukan ko ngayon.
Ang pinakamalaking cost nun ay labor. Labor pagkatapos power. Pag nabawasan 'yan, bababa ang presyo, magiging competitive, pwedeng makipag kompetensya ang mga produkto ng Pilipino sa mga produkto ng mga ibang bansa. Kaya tayo nawawalan ng mga negosyante dito, umaalis 'yung ating mga businessmen, dahil isa sa dahilan, mataas ang presyo ng kuryente. Kaya magmula nung 2001, nung nilabanan ko yung EPIRA, at ako lang ang nag-iisa sa bumoto dun sa RA 9136, yung pinagmamalaki nila na gamitin upang ibaba na ang presyo ng kuryente, ay 'yun na ang tinutukan ko sapagkat alam ko na hindi mangyayari yung sinasabi nila sa bayan. Kaya magsimula noon, hanggang ngayon, 'yun pa rin ang aking advocacy. Kaya nagkaron ako ng tatlong panukalang batas dyan.
Yung una, 'yung amendment ng EPIRA. Nasa House of Representatives 'yan. Pangalawa, dahil nga alam ko na 'yung amendment na 'yun, ay baka hindi mangyayari dahil malaki ang resistance dyan sa bagay na 'yan, sapagkat alam mo naman, matibay, malakas yung mga negosyante sa elektrisidad, isinalang ko ngayon 'yung dalawang panukalang batas 3147 at 3148.
Yung 3147, 'yun ay simple lang. Binababa ko yung 12% na VAT sa distribution ng elektrisidad. From 12% to 3%. At yung 3% na 'yun in lieu, katumbas ng lahat ng buwis na babayaran nitong mga negosyante na ito ng elektrisidad para sa ganun, bababa ang kuryente.
Ang tradisyon natin, ay 'yung mga public utilities, hindi 'yun kinukunan ng gobyerno upang gastusin ng gobyerno, hindi revenue-raising source 'yung mga 'yan. Public service 'yan, dapat mura ang tubig natin. Elektrisidad, dapat mababa ang presyo ng elektrisidad natin.
Q: Bakit ang taas-taas?
SP: 'Yun nga, lahat ay tina-tax ng gobyerno. Sobra ang pataw ng tax. Pero 'yung mga mayayaman, na malalaki ang kinikita, kaya sila lumalaki ngayon at bumibili ng kung anu-ano dito, ay hindi sila napapatawan ng sapat na buwis at sila ang nangagailangan ng gobyerno. Sapagkat sila ang ginagwardyahan ng mga pulis. Gina-gwardyahan ng army natin. Kung hindi, baka dudukutin sila.
Kaya yang panukalang batas na 3147, tatanggalin ko yung 9% sa 12% VAT. Malaking bagay 'yun. Magkakaron ng pagbaba 'yung presyo ng kuryente ng 9 centavos per kwh. Malaki 'yun. Gagamit ka ng 100 kwh, P9.00 'yun. Kung gagamit ka ng 1,000 kwh, P90.00 per billing day 'yun.
Ngayon, ginawa ko na 'yan dun sa transmission line, 'yun bang pinakamalaking high voltage wire natin, ibababa ko ngayon 'yan sa mga kagaya ng Meralco, Cepalco, yung mga kooperatiba ng elektrisidad, para lahat nakikibnabang. At sa Cebu, sa Cagayan de Oro, Cepalco, Angeles, malalaki, Iloilo, sa Bacolod, malalaki, may mga distribution companies 'yan. Sa karamihan ng bansa natin, 'yan namang mga electric cooperatives, makikinabang 'yan. Hindi na sila magbabayad ng 12% VAT sa kanilang distribution charge, kinokolekta na yan para padaanin nila sa kanilang mga alambre, ang babayaran na lang nila 3% tax. Kapalit 'yan nung babayaran nila sa real estate, income tax at iba pang mga VAT at ibang mga buwis. Sapagkat itong mga buwis na pinapataw dito sa mga distribution companies, hindi naman yung mga distribution companies ang magbabayad nyan. Ang magbabayad ang taong bayan. Lumalaki 'yung gastusin ng taong bayan sa kuryente.
Ngayon, mag-franchise tax yan, direct charge sa mga distribution companies, hindi nila maipapasa yan. Ngayon, pagka nangyari 'yun, siguradong bababa 'yung kwan. Kaya inisip ko, pano ba maibababa ng tunay ang presyo ng kuryente? Lalong-lalo na sa mga industriya, mga commercial establishments, mga ospital, mga clinics, para sa ganun gumaan ang buhay ng mga kababayan natin.
Nasisilip ko ngayon itong natural gas natin sa Palawan. Produkto natin 'yun, hindi natin iniimport 'yun. Pero napakamahal nun. Kung ginamit mo sa pag-andar ng elektrisidad dito sa ginagamit ng taong bayan ano? Isipin mo, pag nag-import ka ng uling, coal at gagamitin mo 'yun para gumawa ka ng elektrisidad ipagbibili nitong mga generators, magkano lang ang presyo nung uling na 'yun sa kabuuan ng cost nung 1 kwh na elektrisidad, 21 sentimos. Kung krudo naman, 22 centavos lamang. Pero pag natural gas na galing sa Malampaya, produkto natin, galing sa bansa natin, di iniimport, ni walang taripa 'yan, alam mo kung magkano? P1.79! Paano, kinukuha ng gobyerno, halimbawa 'yung kumpanya na nagmamanage nun at nagpapaandar ng Malampaya, naipagbili ang natural gas nung isang taon nung isang taong nakalipas, 2008, ang kabuuan nun $1.9B ang benta nila. Ngayon, yung cost of production nila na $211M, may naiiwan na $1.7B, hindi million, billion dollars. Yung $1.7B na 'yun, pinaghahatian nung nagpapaandar, Shell 'yan at ng gobyerno. Shell 40%, sa gobyerno, 60%. Ngayon saan napupunta yung 60% ng gobyerno? Binabayaran ng gobyerno, galing dun sa 60%, yung income tax ng Shell. Sa kanya yung 40%. Ok lang 'yun. Pupunta sa national treasury na natin 'yun at bina-budget 'yun ng gobyerno.
Yung naiwan ngayon, hindi namin malaman kung saan napupunta. Tinanong ko ang Malacañang, hindi nila alam. Tinanong ko rin 'yung DOE, ginamit daw sa exploration. Sa exploration, bakit wala kaming nakikitang resulta nyan? Dahil dyan, sabi ko mabuti pa, at hindi bina-budget ng Kongreso yan ha? Hindi pumapasok sa national treasury ng gobyerno! Sabi ko mabuti pa gamitin natin yan, para yung natural gas, na ipagbibili ng Malampaya sa mga gumagawa ng elektrisidad na ipinagbibili taong bayan, ay bababa. 'Yan ang gagamitin natin na pagbaba ng presyo, para pag ginamit 'yun natural gas na mababa ang presyo, makikinabang ngayon ang taong bayan sa presyo ng elektrisidad.
Q: Sa makatuwid Senator, hindi pa pala natin ginagamit yung output natin sa natural gas ng Malampaya? Hindi pa pumapasok sa grid yan?
SP: Ginagamit. Kaya mataas ang presyo ng elektrisidad natin, P1.79 ang pumapasok na cost. Yung kabayaran dun sa Malampaya natural gas natin, pag ginawang elektrisidad. Samantala kapag inimport mo yung natural gas na 'yun, 21 centavos lang per kwh. Pero pag sa ating sarili, P1.79.
Q: Bakit ganun?
SP: 'Yung royalty. May royalty ang gobyerno natin. So kaya sabi ko, ok, ibaba natin yung royalty mo na 60%. Gawin natin na 3% lang. Yung 57% gamitin natin na pang-pababa ng presyo ng kuryente sa Pilipinas. 'Yun ang mangyayari pag maipasa yung Senate Bill No. 3148.
Q: Ano na po ang status nito?
SP: 'Yung SBN 3148, yun ang Power Reduction Bill kung tawagin, tapos na ng second reading. Mag-third reading na pagbukas namin sa Agosto.
Q: Sana naman mapasa na 'yun ngayon. Malaking bagay 'yun kapag napasa.
SP: Kaya nga ako gumawa ng infomercial. Para maakit ang public opinion at 'yung ating mga kasama ay mabuksan ang kanilang isipan at mata na dapat gawin natin ito sa ating bayan sapagkat marami nang nagsasarang negosyo dito. Pag nagsara yung negosyo, mawawalan ng trabaho 'yung mga tao. Lalong lalo na, na kailangan natin ito, sa electronics natin, sa electronics industry, sa mga computer chips na kung anu-ano. Kailangan natin 'yan, sapagkat napakalaki ng gastos sa kuryete. 'Yung mga produkto dito sa electronics, lumaban sa produkto ng ibang bansa, sapagkat cost component yang elektrisidad sa mga computer na 'yan.
Q: Ayon po sa news, susunod lang daw po ang mga drug firms kung may price control sa presyo ng gamot. Sa tingin n'yo po, may pag-asa pang bumaba ang presyo ng mga gamot sa ating bansa?
SP: Pag ganoon ang kanilang posisyon at kung ako ang nasa Malacañang, ipapataw ko ang price control. Lalagyan ko ng ceiling kaagad sapagkat pinagbigyan lang sila ng Pangulo ng sampung araw na sila mismo kusang loob na magpapababa ng presyo ng kanilang produkto dahil talagang napakalaki talaga yung tinatawag nila na margin of profit. Kaya kung gusto nila ng price control, pwede naming baguhin ang batas. Mandatory na sasabihin namin na gawin ninyo ito sa ayaw nyo o hindi. Merong pag-asa na maipatupad ang batas na iyan. Sapagkat kapag hindi sila gumalaw, babaguhin namin ang batas. Mandatory reduction ang gagawin.
Q: Sir, pero di ba may executive order na ilalabas dapat ngayon?
SP: Meron na nga sapagkat binigay sa Pangulo through the recommendation of the Department of Health ang power na maglagay ng ceiling na pwedeng gamitin na presyo ito ng mga nagnenegosyo sa gamot upang sa ganoon hindi naman mahirapan ang mga tao lalong-lalo na yung mga nangangailangan ng maintenance sa blood pressure at gamot sa puso, baga, bato at liver. lalo na sa diabetes. Pati ang mga ginagamit sa dialysis at chemotherapy. Napakamahal ng mga iyan. Meron nga na Php1,000 per vial. Mabuti naman na ang Department of Health, pinanatili nila ang mga presyo ng mga iyan. Kaya naiisip ko na kung ganito na pwede palang hatiin yung kasalukuyang retail price ng mga gamot na ito, ay napakalaki pala ng kinikita ng mga pharmaceutical companies. At karamihan sa kanila ay banyaga, di lahat ng kita ay lalabas sa bansa. Nililimas nila ang pera ng bayan at pumupunta sa abroad. Yung kinikita ng ating mga OFWs na dumadating sa Pilipinas nalilimas ulit at lumalabas sa Pilipinas dahil sa mga taong ito.
Q: Regarding sa deadline na binigay sa mga pharmaceutical companies, ano pong masasabi n'yo?
SP: Alam n'yo, ang Pangulo, pinagbibigyan 'yung mga pharmaceutical companies ng sariling pagkakataon upang sumunod sa batas. Ang hindi ko maiintindihan ay kung bakit parang nagmamakaawa tayo. Ngayon ok lang sa akin na 'yun ang patakaran ng Presidente, sapagkat gusto n'ya siguro na ipakita na hindi marahas at hindi masyadong rigid o para bang masyadong nagmamando 'yung gobyerno natin sa mga negosyante dito. Sapagkat sa ngayon, sa buong mundo ay kailangan na aakitin mo 'yung mga negosyante para magnegosyo sila sa iyo para may pagkakikitaan 'yung mga walang trabaho. Pero, may hangganan na 'yan. Binigyan na sila ng taning ng Presidente. Kilala ko si Presidente. Pag hindi sila sumunod, pipirmahan niya 'yung Executive Order na 'yan sa linggong ito.
Q: Akala ko sir, pag non- compliant sila ay pipirmahan na kaagad ng Pangulo ...
SP: Oo. Pero meron yata silang counter proposal sa maximum price. Tinitingnan 'yan ngayon ng mga experts ng gobyerno kung tama ba 'yun o hindi. Pag hindi tama at sabihin ng mga experts na hindi namin tatanggapin 'yan, eh, pipirmahan na ng presidente 'yun.
Q: Di ba sir, ang mga branded medicines na ito ay nabibili ng mura sa ibang bansa?
SP: Totoo 'yan. Halimbawa, Norvasc. Meron Norvasc sa America, Alemanya, Fransya, Inglatera, China, India, Pakistan, Malaysia at sa Pilipinas. Pare- pareho 'yan. Pareho ang komposisyon n'yan. Pareho ang research cost n'yan. Bakit doon sa mga ibang bansa, ay mas mababa ang presyo ng Norvasc? Ang presyo dito sa Pilipinas ay P44.50. Samantala, sa India ay mabibili nila ng less than P4.00. Malaki ang margin nila dito. Kaya, noong sinabi ng DOH na 'yung P44.50 ay naging P22.50, wika ko, napakalaking margin 'yan. Dapat lang na ibaba nila ng kusa. Pero marami silang istorya na maliit itong merkadong ito. Sa India malaki. At saka ang gobyerno bumibili in bulk. Pero sa Pilipinas ang gobyerno ay hindi bumibili. Hindi 'yun ang batayan. Bakit nga ang presyo n'yo ay napakalaki naman? Npakalaki ang pagitan noong P44.50 at P4.00 sa India. Kaya 'yun na ang sasagutin nila sa amin sa Senado. Sapagkat uusisahin namin pati financial position ng mga pharmaceutical companies na ito.
Q: Napakatagal na pala nila tayong niloloko ...
SP Yun na nga. Kaya kailangan natin ang Anti- Trust Law. 'Yun ang gamot dito. Makukulong 'yung mga 'yan. Magmumulta sila ng malaki kapag nilabag nila ang batas na 'yun.
Q Pero, sir, ito bang mga gamot na ito, hindi ba ito sakop sa mga parallel importation na ginagawa nila ngayon?
SP: Dapat nga. Pero pati 'yung parallel importation ay ayaw nila, eh. Napakalaki ng kinikita nila sa Pilipinas. Itong market na ito ay hindi maliit na market. 90 million people. Malaking merkado yan. Kaya ang kanilang kinikita dito ay hindi million, kungdi bilyun- bilyon.
Q: Ang laki pala. Kaya pala nakaka- sponsor sila ng kung anu- ano diyan ...
SP: Oo. Marami silang mga pabuya. Kaya sabi ko nga sa kanila, nakakapagbigay sila ng malaking discount, from 25 to 50%. Eh, bakit hindi n'yo maibaba 'yung presyo? Ayaw namin ng charity. Ang gusto namin ay meron kaming seguridad na kung gusto naming bumili ay ganoon ang presyo. Hindi dahil sa inyong mabuting kalooban, kundi ay dahil sa yun ang tunay na presyo ng gamot.
Q: Ibang isyu po tayo. Bakit po ba kailangang maningil ng parking fee?
SP: Ang dapat talaga ng mga malls na 'yan ay dapat libre na ang parking. Nagpupunta 'yung mga tao doon para mamimili sa kanilang gusali. Di ba pag kumakain ka sa mga restaurant, lalong- lalo ns sa hotel, ay sasabihin "gusto n'yo ba sir ng parking discount". Merong nagbibigay ng diskwento sa parking. Ganoon dapat. Ito na ang nangyayari sa ating bansa. Ang mga negosyante ay sinasamantala nila ang mga tao sapagkat wala ngang sapat na batas na pumipigil sa kanila.
Q: Tungkol po sa kuryente. Papaano pa po ba mapapa-roll back?
SP: Alam n'yo yung krudo ang ginangamit sa kuryente, hindi gasoline. Pag bumaba 'yung presyo ng krudo, dapat bumaba rin ang presyo ng kuryente. Merong mekanismo 'yan. At 'yan ang ginagawa ng Energy Regulation Commission (ERC), to be fair with them.
Q: Sir, wala po bang magagawa sa Senado kung bakit hindi makukuha ni Sec. Reyes 'yung audited statement ng mga oil companies?
SP: Alam mo, nahihirapan ang mga agencies ng gobyerno. Sapagkat kung pipilitin mo 'yung mga kompanyang 'yan, kailangang pupunta ka sa husgado at magpa-file ka ng kaso. Alam nila na kapag nagpunta ka sa husgado ay matagal. Kaya, wala talagang kapangyarihan 'yung department na matibay, na malakas para pilitin ang mga 'yan na ipakita ang kanilang mga libro. Kaya itong Anti- Trust Law na sinasabi ko, mapipilitan sila ngayon na ipakita ang kanilang mga financial statements, ang kanilang pricing system at lahat ng mga dokumento tungkol sa kanilang sabwatan, lalabas 'yan.
Q: Sir, gaano katagal bago maipasa 'yang Anti-Trust Bill n'yo?
SP: Naipasa na naming sa Senado. Dapat ay maipasa na rin sa House of Representatives. Sandali lang 'yun. Kung papaya gang House, kukopyahin lang nila 'yung ginawa naming, eh di tapos na 'yun.
Q: Ang laki pa naman ng deposito.
SP: By the billions 'yon. Kaya 'yang electric service-by-prepaid, ngayon ko lang narinig 'yan.
Q: Baka 'yan ang pupuntahan nating direksyon. Palagay niyo?
SP: Siguro kapag open-access, pwede. Pero kung ako ay pabrika o commercial establishment na gumagamit ng more than one megawatt, pwede ako pumunta sa isang generation company na gumagawa ng elektrisidad at bumili ako ng diretso sa kanila ng elektrisidad sa halip na Meralco ang mag-deliver sa akin. Magbabayad ako ng toll charge sa Transco at Meralco kung nasa Meralco franchise ako at maibababa ko ang presyo ng elektrisidad. O kaya kung isang subdivision, pwede nilang iconsolidate 'yung kanilang elektrisidad kung more than one megawatt at sila ang bibili ng diretso sa electric producer at magbabayad sila ng transmission charge at distribution charge sa Transco at sa Meralco kung nasa Meralco franchise sila o kaya sa mga ibang distribution companies.
Q: Senator, sana lahat ng mga panukala ninyo sa Senado ay masa-batas at maimplement.
SP: Alam mo ang problema sa bansa natin, mabagal ang sistema sa paggawa ng batas. Dalawang kapulungan 'yan. Kailangan aprubahan namin sa Senado, kailangan aprubahan din nila sa House of Representatives. At kung aprubahan sa House of Representatives, kailangan aprubahan din namin sa Senado. Kaya medyo may kabagalan pero mabuti rin 'yan sapagkat baka nagkamali kami sa Senado, kailangan gagamutin nila sa House. Kapag nagkamali sila sa House, gagamutin namin sa Senado.
Q: Pero ang problema Senator, malimit ang batas na batas lang. Wala namang implementasyon.
SP: 'Yun nga ang hindi ko maintindihan sapagkat tuwing gumagawa kami ng batas, kumpleto na 'yon. Kailangan na lang ipapatupad na 'yon. Sinasabi namin na, itong batas na ito shall be effective as of a given date. Iiral na 'yan. Batas na 'yan. Law is the law. Pero ewan ko bakit kailangan pang mag-antay ng implementing rules and regulations, kailangan pa ng ganito, ganyan. Kung minsan binabago nila 'yung probisyon ng batas. Hindi ko naiintindihan kung bakit ganon.
Q: Pero sir, sana lahat ng mga panukala ninyo ay matapos.
SP: Nung panahon ko sa gabinete, hindi ganon.
Q: Pero last term niyo na po ba ito?
SP: Hindi pa. Mayroon pa akong another term. Pwede pa akong magre-election.
Q: So, tatakbo kayo?
SP: Iniisip ko pa dahil hindi na ako kasing sigla noon.
Q: Pero sa dami ng mga panukalang batas ninyo na talagang makakapagpabuti sa mga maliliit na tulad namin, palagay ko naman hindi niyo na kailangang mangampanya.
SP: Kailangan din. Kailangan pumunta ka sa bayan-bayan at sa mga probinsiya, ipakita ang sarili mo at ipaliwanag kung ano ang ginagawa mo sa bayan --- ano pa ang gagawin mo para sa bayan. Halimbawa 'yung mga nagpapanggap na kandidato para presidente ang katanungan ko lang kung ako ang nasa madla, kung ikaw ay magiging presidente, saan ka magsisimula upang ayusin ang mga problema ng bansa? Sa ekonomiya, kalusugan, katahimikan o lahat 'yan? Kapag sinabay-sabay mo 'yan, medyo mahirap ata. Pero kailangan isipin mo ang central issue na dapat mong gawin. Mayroon pa diyan --- governance, iyong pamamalakad. Kaya isipin mong mabuti. Biniro ko nga 'yung mga kasama ko sa pulong-pulong, yung mga miron kagaya ko, kung ako ang tatanungin diyan ay mag-uumpisa ako sa kusina ng Malacañang. Ano ang ibig sabihin noon? Alam mo naman minsan, sa kusina o bahay mo, 'yung mamimili sa palengke siya ang manager doon. Kung minsan, nangungupit din 'yon. Kung malilinis mo 'yon, lilinis din ang buong kapaligiran mo.
Q: Pero Senator, sana tumakbo na lang kayo ulit kasi papaano ang mangyayari sa proposed bills ninyo sakaling hindi mapasa itong session ninyo.
SP: Hayaan mo, pagdating ng Nobyembre mag-uusap tayo ulit.
Q: Ano po ang inyong parting words?
SP: Darating ang araw na pipili tayo muli ng ating mga halal na mamumuno sa bansa natin. Huwag na nating gawin 'yong nakaraang ugali na 'yung magagaling kumanta, sumayaw, mga guwapo at guwapa at magagaling mag-talumpati, hindi po 'yon nakakatulong sa inyo. Maniwala kayo sa akin, kailangan mayroong sariling kaisipan, sariling paninindigan, sinsero sa pananalita at talagang mapagkakatiwalaan na humawak ng kapangyarihan ang dapat ninyong isipin at piliin na magiging tagapagtanggol, kinatawan at mamumuno sa ating bansa.
Hi Rolly Ocampo. Magandang araw sa iyo. Salamat sa post na ito, kahit paano may balita ako diyan sa atin. :)
ReplyDelete